MANILA, Philippines — Sinimulan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pakikipagdayalogo sa University of the Philippines (UP) para sa pagbusisi sa 1992 UP-DILG accord.
Ginawa ang pag-uusap ng DILG at UP officials sa National Headquarters ng PNP sa Camp Crame kung saan ang Commission on Higher Education (CHED) ang naging tulay para sa nasabing dayalogo.
Dumalo sa naturang pagpupulong sina DILG Officer-In-Charge Bernardo Florece Jr at UP President Atty. Danilo Concepcion.
Kapwa nagkasundo ang UP at DILG sa pagsusulong ng academic freedom habang hindi naman naisasakripisyo ang tungkulin ng pulis na magpatupad ng batas sa loob ng unibersidad.
Nais ng DILG ang ugnayan ng paaralan at ahensya para mabibigyan ng seguridad ang mga estudyante sa anumang banta ng karahasan.
Ang UP-DILG Accord ay pinirmahan noong panahon ng dating DILG Sec. Rafael Alunan III at dating UP President Jose Abueva matapos maisabatas ang pagtatatag ng Department of Interior and Local Government.
Nauna rito, nag-usap na rin sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at UP President Atty Danilo Concepcion para simulan ang pagtalakay sa ibinasurang UP-DND Accord noong Enero 11.