MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) kay Pangulong Duterte na ipatupad ang tigil-galaw ng presyo baboy at manok sa gitna ng pagtaas ng presyo sa Metro Manila.
Batay sa isang mensahe ni DA Assistant Secretary for Strategic Communications Noel Reyes, kinumpirma nito na nagsumite ang ahensya ng resolusyon kay Pangulong Duterte ukol sa price freeze.
Nakipagkasundo rin ang DA sa Department of Trade and Industry, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga alkalde ng Metro Manila bantayang mabuti ang presyo ng mga bilihin sa mga pampublikong pamilihan.
Kasama sa price freeze na inirekomenda ng DA ang P270 kada kilo ng kasim pigue at P300/kg ng liempo. Habang P160 kada kilo naman ng manok.
Nitong Biyernes, pumalo sa P360 kada kilo ang pork kasim sa ilang palengke sa Metro Manila habang P400 kada kilo ang liempo na halos kahalintulad na sa presyo ng baka.