MANILA, Philippines — Dahil sa sinasabing pagtama ng supertyphoon “Rolly”, nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng pagragasa ng lahar at mudflow mula sa tatlong aktibong bulkan na Mayon, Pinatubo at Taal.
Ayon sa Phivolcs, ang mga pag-uulan na dala ni Rolly ay maaaring magdulot ng pagragasa ng lahar at mudflow sa mga ilog at drainage areas ng naturang mga bulkan. Maaari rin umanong magdulot ng lahar ang malakas na pag-ulan sa mga major channels ng Mayon volcano sa pagsasama ng loose material mula sa naiwang pyroclastic density current (PDC) deposits mula sa bulkan noong Enero hanggang March 2018 eruption. Ang karamihan ng erodible PDC deposits ay nasa watershed areas ng Miisi, Mabinit, Buyuan at Basud Channels.
Posibleng magdulot din ng lahar ang bagyo sa major rivers draining ng western Pinatubo volcano na ang deposito ng 1991 PDCS ay nananatiling nasa watershed. Ang Pinatubo lahar naman ay maaaring rumagasa sa may Sto. Tomas-Marella at Bucao River systems na magiging muddy streamflows at pagbaha na apektado ang mga komunidad ng San Marcelino, San Narciso, San Felipe and Botolan, Zambales Province.
Magdudulot din ng muddy streamflow ang malalakas na pag-ulan sa may Taal volcano lalo na sa kanluran ng Taal Lake. Maaaring maapektuhan ng muddy streamflows ang mga komunidad sa Agoncillo at Laurel, Batangas province.