Base sa siyensya ang pagbawas sa distancing rules sa public transport - DOTr

Ito ang inihayag ni Department of Transportation Undersecretary Artemio Tuazon na pinagbasehan nila rito ang pag-aaral ng ibang eksperto, tulad ng International Union of Railways, na hindi naman talaga ganun kalaki ang distansyang kailangan.
STAR/Michael Varcas, file

MANILA, Philippines — Nakabase sa pag-aaral ng mga eksperto sa railways at medical fields ang pagpapatupad ng reduced physical distancing sa public transport sa gitna ng COVID-19 pandemic kahapon.

Ito ang inihayag ni Department of Transportation Undersecretary Artemio Tuazon na pinagbasehan nila rito ang pag-aaral ng ibang eksperto, tulad ng International Union of Railways, na hindi naman talaga ganun kalaki ang distansyang kailangan.

Aniya, posible pang mabawasan ang transmission rate ng 94%-95% dahil sa pagsunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at regular disinfection.

“Actually po kung titingnan ninyo ‘yung mga datos ngayon, ang Pilipinas na lang ang nagpapatupad ng one-meter distancing sa mga railway natin,” aniya.

Base sa rekomendasyon ng World Health Organization, dapat obserbahan ang may isang metrong distansya para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.

Ayon sa DOTr, ang distansya sa pagitan ng mga pasahero ay pwedeng bawasan sa 0.5 metro makaraan ang da­lawang linggo tungo sa 0.3 meter makalipas ang panibagong dalawang linggo para madaragdagan ang mga sumasakay sa pampublikong sasakyan.

Sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año na pabor siya sa dating one-meter distance subalit “collective decision” na umano ang pagbabawas sa distansya sa pagitan ng mga pasahero.

Show comments