MANILA, Philippines — Bilang pagtalima sa paghikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mambabatas ng Kongreso na magpasa ng panukalang batas para buhaying muli ang death penalty laban sa mga convicted drug traffickers ay sinimulan na itong talakayin kahapon sa Kamara.
Sa kasalukuyan ang House Committee on Justice sa pamumuno ni 2nd District Leyte Rep. Vicente Veloso ay may nakabimbing 12 panukalang batas para sa panunumbalik muli ng capital punishment.
Una na ring sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na ipapasa ang mga panukalang batas na nais ni Pangulong Duterte na iprayoridad ng Kongreso na tinukoy nito sa SONA kabilang ang pagbuhay muli sa parusang bitay laban sa mga drug traffickers.
Noong 2017 ay unang nakapasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas para patawan ng parusang kamatayan ang mga krimen na may kinalaman sa droga pero nabigo itong makalusot sa Senado para ipasa sa palasyo ng Malacañang at mapagtibay bilang batas.