73 Chinese, 3 Pinoy huli sa online gambling sa Cagayan

Ilan lang ito sa 73 Chinese nationals na inaresto ng mga otoridad nang salakayin ang illegal online gambling sa isang resort sa Sta. Ana,Cagayan.
Raymund Catindig

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang 73 Chinese nationals at 3 Pinoy dahil sa iligal na online gambling matapos salakayin ang kanilang “kuta” sa Villa Saturnina Hotel and Resort, Sitio Rafat, Brgy. Rapuli, Sta. Ana, Cagayan.

Kinilala ang tatlong Pinoy na sina Erwin Digol, Alexis Isaac Ferro at My­lene Tuazon na nagsisilbing interpreter o translator ng mga Chinese at isang Chinese national na si Frank Yu, ang pinaniniwalaang financier o may-ari ng online illegal gambling.Habang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng 73 Chinese na hinuli at aalamin kung legal ang kanilang pananatili sa bansa.

Sa ulat, alas-9:30 ng gabi nang salakayin at isilbi ng mga otoridad ang search warrant sa naturang hotel and resort ngunit hindi nadatnan si Yu, may-ari ng OFA Cagayan State Developer Corporation.

Nasamsam ng mga pulis ang 103 laptop at desktop computers na ginagamit sa “mini casino” ng mga suspek na halos 6 buwan na umanong nagsasagawa ng operasyon ng online gambling. Ang mga inaresto ay kinasuhan ng paglabag sa PD 1602 o illegal gambling.

Show comments