MANILA, Philippines — Anim na Chinese nationals ang nadakip kabilang na ang isang Pinoy sa isinagawang rescue operation ng Anti-Kidnapping Group (AKG) sa Parañaque City sa pagdukot sa isa nilang kababayan.
Kinilala ni AKG Director P/Brig General Jonnel Estomo ang mga nadakip na sina Gao Tong Tong, Tian Yu, Liang Kai, Cheng Yong Qing, Zhang Bo Xu, Wang Xuan, kapwa Chinese nationals at Edgar Ortiz.
Sa ulat, dakong 11:50 ng tanghali nang isagawa ang operasyon na pinangunahan ni P/Col Villaflor Bannawagan na nagresulta sa pagkakaligtas kay Le Chen sa kamay ng mga suspek.
Lumalabas na sa reklamo na isinumite ni Mariel Mirabel, live-in partner ng biktima ay hinihingian umano siya ng mga suspek ng halagang P84,000 pantubos kay Chen.
Napag-alaman na noong Hulyo 12, 2020, nag-apply ang biktima bilang POGO worker sa Sparc Company. Hulyo 16 nang mayroon sumundo kay Chen na hindi kilalang Tsino at sinabi na siya ay sasailalim sa interview. Dito na umano siya dinala sa Villa Carolina 3 town houses 3, Brgy Tambo, Parañaque City.
Pinilit ang biktima na magtrabaho sa online gambling na walang kontrata. Kinulong umano siya sa isang silid at tinatakot umano ng mga suspek na ibebenta sa ibang kompanya kung hindi siya matutubos sa nasabing halaga.
Dahil dito, ipinagbigay alam ni Mirabel ang kalagayan ng live-in partner sa otoridad na nagbunsod para ikasa ang rescue operation ng AKG.