Duterte nagbantang ipapasara…
MANILA, Philippines — Kapag napatunayan na guilty o may pananagutan sa mga reklamo laban sa kanila ay hindi umano magdadalawang-isip si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipasara ang delivery service provider na J&T Express.
Nakarating kay Pangulong Duterte ang iba’t ibang reklamo maging ang nag-viral sa social media na video ng mga empleyadong lalaki na walang pakundangang hinahagis sa loob ng truck ang mga package na nakatakdang ihatid sa kanilang mga kustomer.
“Madalas akong makatanggap ng complaint. better shape up,” ayon sa Pangulo sa kanyang public address.
Kasalukuyan na aniyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa mga reklamo laban sa mga empleyado ng J&T, ayon sa Chief Executive.
Nilinaw ng Pangulo na hindi naman niya kinokondena ang kumpanya dahil dedepende sa imbestigasyon ang magiging hakbang niya.
Pero, kung mapapatunayang guilty ito sa mga reklamo ay ipasasara niya umano ito.
Sa ulat, pinag-usapan sa social media ang insidente kung saan makikita na hindi man lang sinusuri o kinakapa ng mga lalaki ang laman ng mga mga package at walang alintana kung may mababasag o masisira sa mga ito habang inihahagis sa loob ng truck.
Sari-saring reaksyon mula sa publiko ang dumagsa sa social media at lumutang tuloy ang mga reklamo ng iba pang kustomer.
Bukod sa mga depektibong produkto, inirereklamo rin ng mga online buyer ang kulang na piyesa sa mga binili nilang gamit na resulta pala umano ng kawalang-ingat ng mga trabahador at hindi ng mga online seller na kumuha sa serbisyo ng J&T Express.