Anak napagkamalang magnanakaw ng ama binaril

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang 21-anyos na lalaki matapos siyang mabaril ng lasing na ama nang mapagkamalang magnanakaw sa binabanta­yan nitong palaisdaan sa Zone-7, Brgy. Bagacay, Tinambac, Camarines Sur, kamakalawa ng hapon.

Ang nasawi ay kinilalang si Vrenz Castro Rosquites, estudyante at residente ng nasabing lugar.

Agad naman naaresto ang kanyang ama na si Benjamin Rosquites Jr., 50, mangingisda at caretaker ng fishpond.

Sa ulat, alas-3:00 ng hapon ay lasing na  nagtungo ang suspek sa binabantayang pa­laisdaan. Ilang sandali ay nakita nito ang isang lalaki na pumasok sa palaisdaan na inakala nitong magnanakaw.

Agad nitong kinuha ang baril at binaril ang nasabing lalaki na pumasok sa palaisdaan na tinamaan sa ulo.

Nang bumulagta ang lalaki ay nilapitan ito ng suspek at doon niya nakilala na ang binaril niya ay kanya palang anak.

Sising alipin ang ama na kung hindi sa kanyang paglalasing ay buhay pa sana ang kanyang anak na dadalaw lang sa binabantayan nitong palaisdaan. Nakakulong na ang suspek na kinasuhan ng murder.

Show comments