ERC sa LGUs: Aktuwal na pagbabasa ng metro ng kuryente, payagan na

MANILA, Philippines — Umapela kahapon si Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Atty. Agnes Devanadera sa mga local go-vernment units (LGUs) na payagan na ang mga power distribution utilities na makapag-reading ng metro ng kuryente sa kanilang mga lugar upang matukoy ng mga residente kung gaano talaga karaming kuryente ang kanilang nakokonsumo.

Ang panawagan ay ginawa ni Devanadera nitong Linggo, kasunod na rin ng paglalabas ng ERC ng direktiba sa mga distribution utilities nitong Biyernes, na magsagawa na ng aktuwal na pagbabasa ng metro ng kuryente, kung posible.

Dapat din umanong maglabas na ang mga ito ng bagong billing na nagsasaad ng aktuwal na konsumo ng kuryente ng kanilang kostumer, gayundin ng katumbas na halaga nito, bago ang Hunyo 8.

Ayon kay Devanadera, maaari nang magsagawa ng actual meter reading ang mga distribution utilities matapos na ma-relax ang community quarantines sa ilang bahagi ng bansa.

Gayunman, may ilang LGUs aniya ang ayaw pa ring pahintulutan ang ganitong mga aktibidad sa kanilang mga lugar kaya’t pinakiusapan na sila ng ERC chief.

Nauna rito, dumaing ang mga kustomer ng Manila Electric Company (Meralco) nang makita ang mataas nilang bayarin sa kuryente kaya’t inatasan ng ERC ang kumpanya na mag-reading na ng mga metro ng kuryente.

Show comments