MANILA, Philippines — Tuloy na sa darating na Linggo hanggang Martes ang pagpapatupad ng 48 oras na hard lockdown sa Tondo 1st District.
Ito ay makaraang pirmahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Executive Order No. 22 nitong Huwebes para sa pagpapasailalim sa “shutdown” para maisakatuparan ang “disease surveillance at testing operations”.
Ipatutupad ang ‘hard lockdown’ dakong alas-8:00 ng Linggo ng gabi hanggang alas-8:00 ng Martes ng gabi kung saan pinagbabawalan ang lahat ng residente na lumabas ng kanilang mga bahay maliban sa mga may exemption tulad ng mga frontliners, barangay officials, national govt. officers at media.
Layon nito na maisailalim sa COVID testing ang maraming residente at maampat ang pagtaas ng bilang ng kaso sa distrito.
Tinatayang may 140,166 pamilya na naninirahan sa Tondo District 1 at bago ipatupad ang hard lockdown, tiniyak ni Domagoso na mabibigyan lahat ng pamilya ng food packs na tatagal ng dalawang araw.