MANILA, Philippines — Aprubado na ng Sangguniang Bayan ng Bocaue sa Bulacan ang may P21.9 milyong supplemental budget kaugnay ng pagtugon ng pamahalaang bayan laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Mayor Eleanor “Joni” Villanueva-Tugna, ang nasabing halaga ay mula sa Bayanihan Grant for Cities and Municipalities (BGCM) o karagdagang Internal Revenue Allotment (IRA) na ipinagkaloob ng Department of Budget and Management (DBM) sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga gagastusan ng P21.9 milyong BGCM para sa Bocaue ay ang pagkakaloob ng karagdagang food assistance at relief sa mga Bokawenyo na aabot sa halagang P17 milyon. Tig-P2 milyon naman ang inilaan para sa pambili ng mga medisina, bitamina at mga testing kits. Mayroon pang P953,756 na standby fund para sa iba pang gastusin kaugnay ng pagsugpo sa COVID-19.
Ang supplemental budget na ito ay naipasa bilang Municipal Ordinance No. 20-007 na iniakda ni Konsehal Dioscoro Juan, Jr. na nilagdaan ni Mayor Tugna nitong Abril 14, 2020 upang agad nang magugol sa mga natukoy na dapat paglaanan.