MANILA, Philippines — Mas mabilis na makahawa ang mga taong may sintomas ng COVID-19 kaysa sa mga tinatawag na asymptomatic o walang sintomas.
Ito ang inihayag kahapon ng kinatawan ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas na si Dr. Rabindra Abeyasinghe, na 90 porsiyento ng may COVID-19 ay sanhi ng mga may sintomas kaya sila ang mas dapat pagtuunan ng pansin upang maging mabisa ang ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ).
Sinabi pa ni Abeyasinghe na tama ang ginagawa ng gobyerno na mas inuuna sa testing ang mga may sintomas dahil mas nakakahawa sila at inirerekomenda nila na bigyan ng prayoridad ang mga may pneumonia at acute respiratory distress syndrome.
Ipinaliwanag din ni Abeyasinghe na mahalaga ang impormasyon na makukuha sa pag-test ng mga taong nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 dahil bukod sa makukumpirma kung sila ay positibo ay magagamit din ito sa gagawing contact tracing at pag-isolate ng mga “high risk” upang hindi na makahawa.
Pinuri rin ni Abeyasinghe ang ginagawa ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng ipinatutupad na ECQ.