MANILA, Philippines — Binalaan ni Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles ang mga pulitikong ginagamit ang posisyon para magkaroon ng VIP testing sa Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon kay Nograles, malinaw ang polisiya ng task force na walang lamangan at walang gulangan pagdating aa COVID-19 test at dapat aniyang unahin ang mga pasyente na may sintomas ng naturang sakit.
Kabilang sa mga nababatikos dahil sa umano’y VIP test ay sina Senators Francis Tolentino, Richard Gordon at ang kanyang pamilya, Grace Poe, Pia Cayetano, Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta at asawang si Fernanda, Philippine National Police (PNP) chief Archie Gamboa at asawang si Rozanne, at dating first lady Imelda Marcos. Hindi papalitan ang direktor ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM) makaraang igiit ng Department of Health (DOH) na nagkamali lamang sila sa pagda-draft ng memorandum na kanilang inilabas nitong nakaraang Linggo.
Sa isyu ng VIP test ng mga pulitiko ay nag-viral sa social media na papalitan umano ang director ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM) na si Dr. Celia Carlos dahil pumalag umano ito sa mga pulitiko na gustong mauna sa COVID-19 testing at naisasantabi ang mga Persons Under Investigation (PUIs) na nangangailangan ng dagliang medical.
Kaagad namang kumambiyo ang Department of Health (DOH) at sinabi na hindi papalitan si Dr. Carlos at nagkamali lamang umano sila sa pagda-draft ng memorandum na kanilang inilabas nitong nakaraang Linggo.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na inilagay si Asec. Nestor Santiago sa RITM bilang taga-oversee ng operasyon at agaran na makatulong ni Carlos lalo na sa pagpapalakas ng kapasidad ng kanilang mga laboratoryo.
“Gusto ko lang linawin, ‘di napapabayaan ang mga PUIs. Lahat naman inaasikaso,” ayon kay Vergeire kasunod ng pagsasabi na ang mga opisyal ng pamahalaan na sumailalim sa testing ay pumasa naman sa kanilang mga criteria na may exposure sa COVID-19 positives at may history of travel.