MANILA, Philippines — Tatlong katao kabilang ang isang mag-ina ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation sa lalawigan ng Iloilo at nasa mahigit P7.4 milyon halaga ng shabu ang nasabat, kamakalawa ng gabi.
Ang tatlong naaresto ay kinilalang sina Lalaine Ereño; Jennifer Abantao Nosotros; at anak nitong si John Rey Nosotros na isang criminology student.
Sa ulat nakumpiska ang 15 malalaking sachet ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon sa suspek na si Ereño sa Zone 15, Brgy. Calaparan, Arevalo, Iloilo City.
Naaresto rin sa bayan ng Pavia, Iloilo ang mag-inang Nosotros na sina Jennifer at John Rey na sinasabing kapatid at pamangkin ng bigtime druglord na si Jovan Abantao na kasalukuyang nakaditine ngayon sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ang mag-ina ay naaresto sa harap ng isang mall at nakuha rito ang 2 malaking sachet ng shabu na may bigat na kalahating kilo at 11 medium sized sachet ng shabu na nasa humigit kumulang tatlumpung gramo na may kabuuang halagang P6.3 M.
Nakumpiska rin mula sa mga naaresto ang 1 digital weighing scale, cellphone, bungkos ng mga walang lamang plastic sachet at drug bust money na nagkakahalaga ng pitumpu’t limang libong piso.