MANILA, Philippines — Nadakip ng mga otoridad ang tatlong katao kabilang ang isang babae sa isinagawang drug buy-bust operation at nakumpiska ang tinatayang P4.8 milyong halaga ng droga sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang tatlong suspek na sina Jamael Hzainal, 20, may-asawa, tubong Lanao del Sur; Nabel Makabato, 27, may-asawa tubong Cagayan De Oro at Ricondaya Magarang, 51, dalaga ng Lanao Del Sur.
Sa ulat, alas-10:30 ng umaga sa Mayon St., corner Quezon Avenue, Brgy. Sta Teresita, Quezon City ay isang pulis na nagpanggap na bibili ng shabu sa halagang P20,000 sa mga suspek.
Habang inaabot ang droga ay dumating ang mga iba pang otoridad saka inaresto ang tatlo na nakuhaan ng 5 transparent plastic at 7 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 600 grams na tinatayang nagkakahalaga ng P4.8 milyon.
Narekober din sa operasyon ang 2 sasakyan, na kinabibilangan ng isang puting Fortuner at isang Honda Civic, 2 cellphone, at P20,000 na perang ginamit sa buy-bust transaction.