MANILA, Philippines — Sisibakin ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu ang sinumang frontline field officers na magpapabaya sa greening program target ng ahensiya.
Aniya ang isang field officer ay dapat na maisagawa ang 85-percent survival rate ng planted tree seedlings na nakalaan sa mga peoples organizations (POs) sa ilalim ng Expanded National Greening Program (E-NGP).
“I would like to let somebody take the command responsibility for these areas, it’s very simple. I will relieve you if you cannot fulfill that. Yes, it’s a tall order.”dagdag ni Cimatu.
Ang pahayag ay ginawa ni Cimatu nang manlumo sa nadiskubreng mababang survival rates ng mga seedlings na naitanim sa ilang PO-contracted areas na may 35 hanggang 50 percent lamang.
Mula 2011 hanggang July 2019 ay may halos 2-milyong ektarya ang nataniman ng may 1.7 bilyong tree seedlings na lumikha ng 4.73 milyong trabaho at nagbenepisyu ang may mahigit 670,000 upland dwellers. Karamihan sa planted sites ay nakakontrata sa POs.