MANILA, Philippines — Inihayag ng Meralco na ilang lugar sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan ang makararanas ng pansamantalang pagkawala ng kuryente ngayong linggo dahil sa maintenance works.
Sa inisyung advisory, sinabi ng Meralco na ang power interruptions ay sisimulang ipatupad sa Oktubre 15, Martes, at magtatagal hanggang sa susunod na Linggo, Oktubre 20.
Kabilang sa mga maaapektuhan ng naturang pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ay ang Makati at Mandaluyong City, dahil sa pagpapalit ng poste sa E. Pantaleon St., sa Brgy. Barangka Ibaba, Mandaluyong City; Ermita, Maynila dahil sa pagpapalit ng poste sa T. M. Kalaw Sr. Ave. sa Ermita, Manila at Paco, Maynila dahil sa pagpapalit ng poste sa Paz St.
Apektado rin ang Pinagbuhatan, Pasig City dahil sa maintenance works at pagpalit ng mga pasilidad sa loob ng Meralco-Taguig substation, gayundin ang Tandang Sora, Quezon dahil sa line reconductoring works sa Alcantara Compound; at Sto. Cristo-Bago Bantay, Quezon City dahil sa pagpapalit ng mga pasilidad sa Pampanga St.
May power interruptions din sa Calamba City sa Laguna dahil sa instalasyon, paglilipat at pag-retire ng mga pasilidad; at line reconductoring works na apektado ng DPWH road widening project sa Brgy. Parian; at Lusiana at Majayjay sa Laguna at Lucban at Tayabas sa Quezon, dahil naman sa maintenance works sa loob ng Meralco-Tayabas substation.Gayundin, sa Sariaya, Quezon ay magkakaroon naman ng pagpapalit ng poste sa Bignay 1, Brgy. Road at pagpalit ng poste sa Sitio Pontor Road sa Brgy. Bignay 1, habang sa Lucena City naman ay magkakaroon ng preventive maintenance at testing works sa loob ng Meralco-Lucena substation.
Kaagad namang humingi ng paumanhin ang Meralco sa kanilang consumers dahil sa abalang dulot ng kanilang maintenance works, na ang layunin ay paghusayin pa ang kanilang ibinibigay na serbisyo sa kanilang mga kostumer.