MANILA, Philippines — Inihayag ni Deputy Speaker Lay Villafuerte, na walang basehan at mga imbentong paratang ang sinabi kamakailan ni Senador Ping Lacson na nagpapatunay na isang “political hatchet job” o pulitikal na kampanya para sirain ang imahe ng Kamara de Representante sa publiko.
Ayon kay Villafuerte, walang pakundangan si Senador Lacson na maglabas ng mga alegasyon na walang katotohanan dahil ang talagang agenda nya ay sirain ang imahe at reputasyon ng Kamara at pagandahin ang imahe ng Senado.
Inakala noon ng mga mambabatas na isang political misunderstanding o hindi pagkakaintindihan lamang ang nangyari sa pagitan ni Lacson at ng Kamara.
Pero lumalabas ngayon sa mga inaasta ni Lacson na isa pala itong matinding pulitikal na kampanya ng paninira o political hatchet job laban sa Kamara bilang isang institusyon at sa mga miyembro nito.
“Gusto kong linawin bilang Deputy Speaker for Finance na ang General Appropriations Blll na inaprubahan ng Kamara nitong nakaraang linggo ay walang bahid ng pork o kahit anong illegal insertions,” dagdag pa ni Villafuerte
Tiniyak din ni Deputy Speaker for Internal Affairs Neptali Gonzales II na laging susunod ang mga miyembro ng Kamara sa sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na ang 2020 budget ay dapat na walang pork o parking ng pondo.
Sinabi naman ni Anakalusugan Rep. Michael Defensor, wala siyang personal na hinanakit kay Lacson, pero kapag ganyang pinagpipilitan niyang may pork sa budget kahit wala naman, “inaatake na niya hindi lamang ang institusyon ng Kamara kundi ang 300 miyembro nito na kung saan 100, o one-third ay mga neophyte o mga bagong mambabatas.”