MANILA, Philippines — Makaraang 16 barangay ang tinamaan ng dengue outbreak ay nagdeklara ang pamahalaang lungsod ng Parañaque na magdeklara ng “state of calamity”.
Ayon kay Parañaque City Administrator Fernando “Ding” Soriano, kabilang sa mga barangay na tinamaan ng maraming kaso ng dengue ang Barangays Baclaran, Don Galo, La Huerta, San Dionisio, San Isidro, Santo Niño, Tambo, Vitalez, BF Homes, Don Bosco, Marcelo Green, Merville, Moonwalk, San Antonio, Sun Valley at Martin de Porres.
Sinabi pa ng opisyal na apat na ang nasasawi sa lungsod mula nitong Enero hanggang Setyembre 21, base sa datos ng City Health Department.
Kasalukuyang mahigpit na mino-monitor ng City Health Department maging ang Department of Health ang naturang mga barangay upang masolusyunan ang pagkalat ng sakit at tuluyang masugpo ito.