Mister naniwala sa tsismis, nagbaril

MANILA, Philippines — Nagbaril sa ulo ang isang 42-anyos na mister nang masagap at paniwalaan ang umano’y tsismis na siya ay pinagtataksilan ng kanyang misis na nagtatrabaho bilang OFW, naganap sa loob ng kanilang bahay sa Zone-6, Brgy. Lupi, San Fernando, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.

Namatay noon din ang biktima na si Ronel Cado Piel, magsasaka, dahil sa isang tama ng bala ng kalibre 45 sa ulo.

Sa ulat, dakong alas-10:10 ng gabi dumating ang kamag-anak ng biktima na si Janice Cado upang pailawan ang bahay at laking gulat nito nang makitang tigmak ng dugo ang ulo at patay na habang hawak ang kanyang baril sa loob ng kuwarto.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na nagkasagutan ang biktima at kanyang misis sa telepono nang komprontahin ng una ang huli tungkol sa nasasagap nitong tsismis na mayroon na itong bagong karelasyon.

Pinabulaanan naman ito ng misis at inaway ang mister kung bakit ito naniniwala sa mga tsismis.

Show comments