MANILA, Philippines — Pinagtataga ng isang pastor ang kanyang anak na babae at ang mister nito matapos makulangan sa dowry na ibinigay ng pamilya ng huli naganap kamakalawa ng umaga sa Sitio Gasi, Barangay Marabatuan, Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Ang mag-asawang nasawi ay kinilalang sina Marimar at ang mister nitong si Gener Muntad.
Sumuko naman ang suspek na si Ojil Lakina, nasa hustong gulang, pastor ng Protestant Church ng Manobo tribe.
Sa ulat ng pulisya, bago nangyari ang krimen dakong alas-7:00 ng umaga ay kinompronta ng suspek ang adopted daughter na si Marimar tungkol sa dowry na ibinigay ng pamilya ng kanyang mister na umano ay maliit at kulang.
Hindi umano nagustuhan ni Marimar ang nais ng amang pastor kung kaya’t nagkaroon silang mag-ama nang mainitang pagtatalo hanggang sa saksakin ng pastor ng dala nitong itak ang una.
Nakita ni Gener ang ginagawa ng biyenan sa kanyang misis kaya’t sumaklolo ito, nang makalapit ay pinagtataga ito.
Isang kapitbahay din ang nagtangkang umawat sa suspek,subalit maging siya ay pinagtataga sa likod at inoobserbahan na sa pagamutan.
Ang suspek na naaresto ay kakasuhan ng double parricide at frustrated murder.