MANILA, Philippines — Mahaharap sa kasong cyberbullying ang sinumang mapapatunayang nagpapakalat ng hubad na larawan ng mga estudyante sa internet.
Ito ang naging babala ni Philippine National Police (PNP) spokesman Police Col. Bernard Banac, kaya dapat kaagad ipagbigay sa mga otoridad ang ganitong mga pangyayari para mabigyan ng aksyon dahil isa itong uri ng cyberbullying ang pagpapakalat ng malalaswang larawan sa internet.
Iginiit pa ng opisyal na ang ganitong modus ay mahigpit na ipinagbabawal sa batas at maaaring maharap sa isang mahigpit na parusa tulad ng pagkakakulong.
Ginawa ni Banac ang babala dahil sa ilang estudyante ng Philippine Science High School (PSHS) ang nag-post online ng maseselang bahagi ng katawan ng mga babaeng estudyante na ilan dito ay menor-de-edad na hindi ipinasama sa martsa sa graduation noong nakaraang linggo.
Ganito rin umano ang nangyari sa University of Santo Tomas (UST) students na nagpakalat ng hubad na larawan sa pamamagitan ng group chat gamit ang google drive.
Hinikayat ni Banac ang mga school officials na tugunan ang cyber bullying dahil maaari lamang umaksyon ang mga pulis kapag inanyayahan sila ng eskwelahan.