DILG: Tuloy ang pagsiwalat sa ‘narco list’

Sinabi ni DILG Undersecretary Martin Diño, na ang pagpapalabas ng mga pulitikong nasa “narco list” ay upang bigyan ng babala ang taumbayan laban sa mga naturang pulitiko dahil ito aniya ay isa sa mga obligasyon ng pamahalaan.
File

MANILA, Philippines — Kahit na nagpaha­yag kamakailan ng pagtutol ang Commission on Human Rights, isang Comelec commissioner at ilang senador sa pagsasapubliko ng listahan ng mga pulitikong sangkot sa illegal drugs o “narco list” ay tiniyak ng DILG na itutuloy nila ang pagpapalabas nito.

Sinabi ni DILG Undersecretary Martin Diño, na ang pagpapalabas ng mga pulitikong nasa “narco list” ay upang bigyan ng babala ang taumbayan laban sa mga naturang pulitiko dahil ito aniya ay isa sa mga obligasyon ng pamahalaan.

Sinabi pa ni Diño, mahigit 80 ang mga pulitikong kasama sa naturang narco list at tiniyak na sumailalim ito sa balidasyon ng apat na ahensya ng pamahalaan.

Ang mga nasa narco list ay kinabibilangan ng gobernador, congressman, mayor, at konsehal, ngunit hindi pa tiyak kung lahat ay tumatakbo para sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.

Nagpahayag naman ng pagtutol si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief, Director General Aaron Aquino sa pagsasapubliko ng naturang narco list, dahil mas mainam aniya kung sasampahan na lamang ng kaso ang mga ito.

Tiniyak naman ni Aquino na nagsasagawa na sila ng case build-up laban sa mga pulitiko na kasama sa naturang listahan.

Show comments