Matapos dukutin at bugbugin ng adik...
MANILA, Philippines — Isang 9-anyos na batang babae na natagpuang nag-aagaw buhay habang nakagapos ang mga kamay sa ilalim ng tulay matapos na ito ay dukutin at halayin ng isang drug addict sa Cainta, Rizal.
Hindi na pinangalanan ang biktima na isang grade 3 student at residente ng Taytay, Rizal.
Sa salaysay sa pulisya ng testigong si Oliver Garais, dinukot umano ang bata ng isang Pepito Tagal, 40, ng Project 4, Barangay San Roque, Quezon City noong Lunes ng alas-9:00 ng umaga sa Block 42, Sitio Batasin, Barangay San Juan, Taytay, Rizal.
Dakong alas-4:00 ng hapon nang matagpuan ni Jose Abarera, 30, ng Sitio Nagpuso, Barangay Sta. Cruz, Antipolo City, ang biktima sa ilalim ng Mapandan Bridge, Ortigas Avenue Extension sa Barangay San Juan, Cainta na nilalanggam, namamaga ang dalawang mata, may mga bugbog at galos sa buong katawan, may tali sa leeg at mga kamay, at dumudugo ang tenga.
Nagmamakaawa at humihingi ng tulong ang biktima kaya’t kaagad na sinaklolohan ni Abarera at community volunteers na isinugod sa One Cainta Municipal Hospital.
Sinasabing ginahasa pa ang paslit, matapos na sabihing makikilala niya sa mukha ang lumapastangan sa kanya.
Ayon naman kay Dr. Shimora Eireen Pasela ng One Cainta Municipal Hospital, tila binigti ang bata at posible ring nagtamo ng traumatic brain injury dahil sa pagsusuka nito ng dugo at patuloy na pagdurugo ng kanyang tenga.
Nasa ligtas nang kalagayan ang biktima ngunit kinakailangan itong ilipat sa ibang pagamutan upang isailalim sa CT scan.