MANILA, Philippines — Isang warrant of arrest ang inilabas kahapon ng Makati court laban sa isang gurong lalaki na minolestiya umano ang 14-anyos na dalagitang estudyanteng mag-aaral sa isang pampublikong high school sa lungsod.
Nabatid na naglabas si Makati RTC Branch 140 Judge Cristina Javalera-Sulit ng warrant of arrest laban sa gurong si Alvin Aclan na nahaharap sa kasong pangmomolestiya sa biktima na itinago sa pangalang Lorna.
Pero nang lumabas ang warrant of arrest ay agad na nakapagpiyansa si Aclan ng P320,000.00 at isasagawa ang pagbasa ng sakdal sa Pebrero 8 ng taong kasalukuyan.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga magulang ni Lorna dahil sa halip na ilabas ay itinatago at kinukupkop pa umano si Aclan sa kabila na mayroon ng warrant of arrest para dito.
Umapela ang Parent Teachers Association (PTA) ng nasabing paaralan na huwag ipagwalang bahala ang naturang insidente dahil sa halip na ang mga guro ang huhubog sa kinabukasan ng mga estudyante ay mistulang sila pa ang nag-uudyok upang mapariwara ang mga mag-aaral.