MANILA, Philippines — Nangako si Quezon City acting mayor Joy Belmonte na mas hihigpitan ang pagpapatupad ng ordinansa sa smoking ban sa lungsod.
Ayon kay Belmonte, mas prayoridad niya ang kalusugan ng mamamayan kaysa sa kinikita ng mga establisimiyento na nagbebenta ng sigarilyo.
Nanindigan din si Belmonte sa pagpapataw ng parusa sa mga lalabag sa ordinansa at sinabing muli nitong rerepasuhin ang batas para sa mga posibleng pagbabago upang gawin itong mas naayon sa Executive Order No. 26 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang Ordinance 1420 ay nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa Quezon City mula nang ipatupad ito noong 2014, na siya rin panibagong bersyon ng naunang ordinansa sa smoking ban mula pa noong 1989.
Bukas din anya ang pamahalaang lungsod para pakinggan ang mga hinaing ng mga bar owner sakaling makaapekto sa kanilang kita ang pababawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar.