MANILA, Philippines — Isang bading na wedding coordinator ang pinaghahanap ng pulisya matapos na makakulimbat nang mahigit P500,000 sa anim nitong biktima na nakatakdang magpakasal sa Pasay City.
Ang suspek ay kinilalang si Rennan Magrona, nasa hustong gulang, may-ari ng RJAMS Events and Styling na matatagpuan sa #1702 F. Munoz, Tramo, Brgy. 46 ng lungsod.
Ang mga nagsampa ng reklamo ay kinilalang sina Mariz Lozada Puno, 26, isang online seller, natangayan ng P238,000; Margarita Sablad De Leon, 28, Casino VIP assistant, natangayan ng P70,000; Jhoana Marie Velasco Rama, 33, nurse, ng General Trias, natangayan ng P35,000; Danine Shayne Lababit Yuvienco, 25, nurse ng Dasmariñas City, Cavite na natangayan ng P100,000; Eloisa Prieto Rinon, 42, self employed, ng Bacoor City, natangayan ng P28,500; at Joseph Marvinico Mosura Nillas, 27, call center agent, ng Angeles, Pampanga, na natangayan ng P97,500.
Ayon sa reklamo ng biktima, nagpakilala sa kanila na wedding coordinator ang suspect na ang modus ay ibabayad nila ay kumpleto na sa lahat at ito na ang mamahala sa pagpapakasal.
Tulad ng simbahang pagkakasalan, venue, wedding gown, hair at make-up, bridal car, catering, invitation card at iba pa at naka-schedule na aniya sa iba’t ibang buwan sa susunod na taon ang magaganap na kasalan.
Nang makapag-downpayment na ang mga biktima ay hindi na nila ito makontak at hindi na ito nagpakita sa kanila.