Trike naatrasan ng trailer truck: 1 patay, 2 sugatan

MANILA, Philippines — Nasawi ang isang 15-anyos na estudyante habang sugatan ang kapwa nitong estudyante at driver ng trike nang maatrasan ang sinasakyan nilang tricycle ng isang trailer truck sa Port Area sa Maynila, iniulat kahapon. 

Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Jose Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Patricio Magno, 15-anyos, ng Blk 9, Tambacan, ng naturang lugar habang putuloy na nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang isa pang pasahero na si Mabel Gosado, 17 at ang driver ng trike na si Salvador Lopez, 37; pawang taga-Baseco Compound sa nasabi ring lugar.

Nakapiit at nahaharap na sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at multiple injuries ang suspek na driver ng truck na si Iracleo Romeo, 50, ng Brgy. 649, Baseco, Port Area, Maynila.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:00 ng gabi sa 2nd St. sa panulukan ng Bonifacio Drive, magkasunod na binabaybay ng trailer truck at ng trike ang nasabing kalsada nang biglang magmaniobra paatras ang truck nang hindi nito napansin ang nakabuntot na tricycle hanggang sa maararo ito.

Sumaklolo naman ang mga nakasaksi kung saan isinugod ang mga biktima sa magkahilaway na pagamutan.

Show comments