MANILA, Philippines — Patay ang anim na umano’y holdaper nang makaengkuwentro ang mga pulis nang kumasa ang mga ito kamakalawa ng gabi sa national highway ng Brgy. Bangag, Lallo, Cagayan.
Ayon kay Chief Superintendent Jose Mario Espino, Director ng Cagayan Valley Police, kabilang sa napatay ang lider ng grupo na si Gener Dunag.
Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan sa lima pang miyembro habang nasakote ang isa pa nilang kasama.
Batay sa ulat,bago nangyari ang engkuwentro dakong alas-10:35 ng gabi sa nasabing lugar ay hinoldap ng mga suspek ang trailer truck na minamaneho ni Ronnie Garcia na nagde-deliber ng bigas galing Lasam, Cagayan patungong Isabela.
Sumunod namang biniktima ang kasunod na truck na sinasakyan ni Agustin Inay ng Sanchez Mira ng lalawigan, negosyante ng coco lumber kasama ang driver nito na si Ambot Rabago at natangay ang nasa P 296,000 cash, alahas at mga cellphones.
Nang makaalis na ang mga suspek sakay ng puting Hyundai (RCK 364) van ay nagsumbong ang mga biktima sa mga otoridad na nagsagawa ng hot pursuit operation at naglatag ng checkpoint.
Sa pagdaan ng mga suspek sa checkpoint ay pinaputukan ang mga pulis na gumanti ng putok na ikinasawi ng anim na suspek. Nakatakbo ang isang suspek pero nasukol ng pulis sa Magapit Bridge.
Narekober mula sa grupo ang tatlong kaliber .45 at dalawang 9mm pistol.
Nabatid na ang Gener Dunag Robbery Group ay sangkot sa mga serye ng panghoholdap sa ikalawang distrito ng Cagayan kung saan isa sa mga biktima ay isang negosyante sa bayan ng Pamplona noong Oktubre 26 na kung saan ay nakakulimbat ang mga ito ng halos P1 milyong halaga ng pera at alahas.