MANILA, Philippines — Isang dating alkalde ng Milaor, Camarines Sur ang nasawi habang tatlong kasama ang nasugatan makaraang aksidenteng mahulog ang kanilang sasakyan sa bangin na bahagi ng Andaya national highway kahapon ng umaga sa bayan ng Ragay ng lalawigan.
Kinilala ang nasawing biktima na si Milaor ex-Mayor Andre Hidalgo, 65. Habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga nasugatang sina Senan Bermas, 50;Vicente Claro, 36; at Noel Mariquit, driver ng behikulo.
Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente bandang ala-1:30 ng madaling araw sa F. Semion, Ragay, Camarines Sur ay lulan ang mga biktima ng Toyota Fortuner na minamaneho ni Noel Mariquit.
Ang behikulo ay galing sa Maynila at pabalik na sa Milaor at habang bumabagtas sa nasabing highway ay aksidenteng bumangga sa bakal na barandilya sa tabi ng highway ang behikulo sa kaliwang bahagi sa naturang lugar at tuluy-tuloy na nahulog sa bangin.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na masyadong madulas ang nasabing highway na nagbunsod sa trahedya.