MANILA, Philippines — Tutulong sa proseso ng pagpili ng ikatlong telecommunications company (telco) sa bansa ang Department of Justice (DOJ).
Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra na bubusisi ng terms of reference para sa pagpili ng ikatlong telco.
“DOJ’s participation, I believe, will be to review the terms of reference for the selection of the third telco, the contracts to be executed, the grants of licenses and permits, etc. to ensure compliance with all applicable laws, rules and regulations,” wika ni Guevarra.
Kinumpirma rin ni Guevarra na hiningi ng National Telecommunications Company (NTC) ang ligal na tulong mula sa DOJ na may kinalaman sa pagbibigay ng CPCN (Certificate of Public Convenience and Necessity) sa ikatlong telco para sa legal opinion.
Ang CPCN ay permit na iniisyu ng isang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa mga public facility.
Sa pamamagitan ng nasabing certificate, nabibigyan ng kapangyarihan ang may-hawak nito na mag-operate bilang public facility sa isang lugar.
Target ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na maisapinal ngayong buwang ito ang terms of reference para sa proseso ng pagpili ng ikatlong telco.
Nais din ng DICT na maisagawa na ang bidding para sa bagong telco sa Oktubre ng taong ito.
Ilan sa mga kumpanyang naghayag na ng interes na magsumite ng bid para sa proyekto ay ang Philippine Telegraph and Telephone Co.,Now Corporation, Converge ICT Solutions, TransPacific Broadband Group International Inc. at Easy Call Communications Philippines.