MANILA, Philippines — Naglaan ng P500,000 reward money ang pamahalaan para sa ikadarakip ng puganteng drug lord na si Peter Go Lim dahil sa hindi pagdalo sa kinasasangkutang kaso ng iligal na droga na isinampa ng Philippine National Police (PNP) sa Makati City Regional Trial Court (RTC).
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra na ang sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo kay Peter Lim at magbibigay-daan sa pagkakaaresto ay pagkakalooban ng nasabing halaga.
Binalaan din ni Guevarra ang sinumang coddler o makikipagsabwatan para maitago sa batas si Lim ay makakasuhan ng obstruction of justice.
Matatandaang noong Agosto 28, 2018 ay nakatakdang basahan ng sakdal si Lim at kasamang si Ruel Malindangan, subalit hindi ito sumipot.
Sa nasabing pagdinig ay iprinisinta naman ng National Bureau of Investigation (NBI) sa korte si Rolando “Kerwin” Espinosa at ng BJMP si Marcelo Adorco na kapwa nagpasok ng “not guilty” plea sa two counts of conspiracy to commit illegal drug trade, sa paglabag sa Section 26 (b), Section 5, ng Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), na isang non-bailable offense.
Noong nakalipas na Agosto 14 nang magpalabas ng warrant of arrest laban kay Lim ang korte matapos ang evaluation ng isinumiteng information ng Department of Justice (DOJ), samantalang si Malindangan na kasalukuyan pang hinahanting na may nakabinbing warrant of arrest na inisyu ng Makati Regional Trial Court Branch 65 Judge Gina Bibat-Palamos.
Inatasan din ng korte ang Bureau of Immigration (BI) na magpalabas ng Hold Departure Order laban sa dalawa.
Bukod kina Espinosa, Adorco, at Malindangan ay kabilang din sa kinasuhan ng two counts of conspiracy to commit illegal drug trade sa Manila RTC at Makati RTC sina convicted drug lord Peter Co at diumano’y drug supplier na si Lovely Impal.