MANILA, Philippines — Binigyang halaga ni Pasig River Rehabilitation Commission Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia ang itinuturing na walang silbing water hyacinth o water lily dahil nakapagdudulot naman ito ng ayuda para sa kabuhayan ng mga mahihirap na Pilipino.
“Bukas para sa lahat ang White House ng PRRC na matatagpuan sa Baseco sa Tondo, Maynila. Dito sila sasanayin upang matutong maghabi ng mga produktong gawa sa water lily. Mula sa simpleng bag, makagagawa rin sila ng mga sinelas, bracelet, pamaypay, table runners at blankets na pawang de kalidad,” buong pagmamalaking sinabi ni Goitia.
Namamasyal ang mga dayuhan, politiko at mamamahayag sa White House ng PRRC para lang bumili ng water hyacinth products.
Nakatutulong ang kinikitang halaga sa pagbebenta ng mga produktong water lily sa pagpapaunlad sa kalidad ng kabuhayan ng mga artisan na tinuruan ng PRRC.
Tuwing sumasapit ang tag-ulan, napupuno ang Laguna de Bay ng water lily at kumakalat naman ito patungong Ilog Pasig kaya malaking pinsala naman ang dinadanas ng mga sasakyang pangtubig na bumabaybay sa ilog.
Ngunit sa sandaling nakaiistorbo na ito sa paglalayag sa Ilog Pasig, inaani na ang mga halamang tubig ng PRRC upang makapagbigay naman ito ng ayudang pangkabuhayan para sa mga mahihirap.