MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na tukoy na nila ang utak sa pananambang at pagkakapatay kay Gen. Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote noong Hulyo 3.
Ayon kay Chief P/Director General Oscar Albayalde,natukoy nila ang mastermind matapos na ikanta ng dalawang nasakoteng gunmen na sina Florencio Suarez at Robert Gumacay na pawang mga hired killers.
Hindi muna nila papangalanan ang utak na kasalukuyang tinutugis ng mga otoridad.
Lumalabas din na hindi pulitika ang motibo ng pagpatay kay Mayor Bote kundi negosyo dahilan isa itong inhinyero at may construction at quarrying business.
Una nang sinabi ni Albayalde na apat hanggang limang suspek ang sangkot sa ambush-slay kay Mayor Bote.
Magugunita na sina Suarez at Gumacay ay nasakote kamakalawa sa kahabaan ng Andaya national highway, Brgy. Cabasag, Del Gallego, Camarines Sur matapos na maharang sa checkpoint ang sinasakyan nilang isang kulay beige na Toyota Avanza (PGQ 134) bandang alas- -9:30 ng umaga.
Nakumpiska sa mga ito ang isang cal 45 pistol at P 70,000 cash na pinaniniwalaang bahagi ng ibinayad ng mastermind upang paslangin si Mayor Bote.