MANILA, Philippines — Patay ang 3 katao habang dalawang bata naman ang nawawala matapos lumubog ang isang maliit na bangka sa lawa sa Buhi, Camarines Sur, Linggo ng gabi.
Naisugod pa sa ospital ang magkapatid na sina Soledad Siocson, 58, at Liza Siocson, 48, at ang apo nilang si Gabriel Bejerano, 3, pero binawian din sila ng buhay.
Hinahanap naman ng mga otoridad ang dalawa pang nawawalang bata na sina Joshua Bejerano,12; at Jonas Menorca, 6; pawang magkakamag-anak at residente ng nasabing barangay.
Sa ulat ng Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-8:15 ng gabi naglalayag ang bangka sa lawa na minamaneho ng makinistang si Jerry Siocson, lulan ang 12-pasahero na pawang mga magkakaanak nang pasukin ng tubig ang unahang bahagi ng bangka dahil sa pagiging overloaded at tuluyang lumubog. Lahat ng pasahero ay nahulog sa tubig at sa maagap na rescue operation ng Buhi Emergency Rescue Team naihaon nila ang walo at isinugod sa Buhi Community Hospital pero dineklarang patay ang tatlo.
Ayon sa mga otoridad, lumubog ang bangka dahil walong tao lamang ang kapasidad nito. Puwedeng anilang kasuhan ang boat operator na si Siocson ng reckless imprudence resulting in multiple homicide.
Pero, dahil kamag-anak ng mga namatay at iba pang nakaligtas ang operator ay hindi na nila itutuloy ang kaso.Wala rin naman anilang may kagustuhan sa nangyari.