DU30: Mga tambay sa gabi hulihin

Magugunita na kamakalawa ng gabi ay inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga otoridad na tutukan ang mga taong nakakalat sa mga kalsada lalo na kung gabi at sukdulang igapos umano at arestuhin kapag nagpasaway.
AP/Aaron Favila, File

MANILA, Philippines — Ipapatupad na ng pulisya ang mga ordinansa ng lokal na pamahalaan at lungsod laban sa mga bystanders at tambay sa lansangan sa gabi partikular na sa Metro Manila.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Oscar Albayalde upang wala nang pakalatkalat sa kalsada sa disoras ng gabi lalo na yung mga umiinom, mga nakahubad sa kalsada.

Magugunita na kamakalawa ng gabi ay inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga otoridad na tutukan ang mga taong nakakalat sa mga kalsada lalo na kung gabi at sukdulang igapos umano at arestuhin kapag nagpasaway.

Alinsunod sa direktiba ng punong ehekutibo sa kapulisan dapat pauwiin ng mga ito ang mga bystanders at mga istambay kapag nakitang pagalagala kung gabi.

Iginigiit ng Pangulo na ang mga kalsada at mga highways ay itinayo  o ginawa para sa mga law abiding citizens kung saan ang mga kriminal at mga durugista umano ay hindi dapat na gumagala kung gabi.

Ayon kay Albayalde, tulad ng direktiba ng Pa­ngulo kapag may ­istambay ay pauuwiin ng mga pulis at kapag hindi umuwi ay maaari ang mga itong arestuhin at dalhin sa mga himpilan ng pulisya.

Tiniyak naman ng PNP Chief na hindi aabusuhin ng kapulisan ang kanilang kapangyarihan dahil bibigyan muna ng babala ang mga bystan­ders at tambay na pauuwiin sa kanilang mga bahay at kung hindi ay darakpin ang mga ito sa paglabag sa ordinansa ng kanilang mga local executives.

 Idinagdag pa ni Alba­yalde na sa kaniyang pagtaya ay walang papalag o magiging matigas ang ulo sa pakiusap ng kapulisan na magsiuwi na lamang sa kanilang mga bahay kung ayaw nilang maaresto.

Show comments