MANILA, Philippines — Nasa Manila City Jail na ang 10 miyembro ng Aegis Juris Fraterniy na responsable sa pagkamatay ng law student ng University of Santo Tomas na si Horacio ‘Atio’ Castillo na inilipat kahapon ng hapon.
Si Castillo ay namatay noong Setyembre 17, 2017 habang sumasailalim sa initiation rites ng Aegis Juris fraternity.
Tumugon agad ang National Bureau of Investigation sa kautusan ng Manila Regional Trial Court Branch 20 na ilipat ang 10 miyembro ng nasabing fraternity.
Base sa anim na pahinang kautusan ni Manila RTC Branch 20 Judge Marivic Umali, kabilang sa mga pinalipat mula NBI ay sina Marcelino Bagtang Jr., Arvin Balag, Mhin Wei Chain, Axel Munro Hipe, Joshua Macabali, Oliver Onfore, John Robin Ramos, Hans Matthew Rodrigo, Jose Miguel Salamat at Ralph Trangia.
Ibinasura ng korte ang mosyon ni Trangia na manatili sa NBI detention center dahil na rin umano sa Rules of Criminal Procedure.
Iginiit ni Umali na ang mga akusadong inaresto ay dapat nasa pinakamalapit na police station o piitan at ang NBI detention facility umano ay hindi naman PNP station o piitan.
Mandato rin umano ng city jail na magpatupad ng mahigpit na seguridad para sa mga inmates taliwas sa iginigiit ng mga miyembro ng Aegis Juris na maaaring manganib ang kanilang buhay at seguridad bunsod ng pambu-bully at pananakot kapag nailipat na sa Manila City Jail.