MANILA, Philippines — Pinagbabaril ang isang officer-in-charge ng Manila Traffic and Parking Bureau ng isang lalaki na sumulpot sa kanilang sattelite office sa Binondo,Maynila kahapon ng umaga. Ang biktima na namatay noon din dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Tranquilino Vuelga, 61, ng MTPB Task Force Parola. Ang suspek na tumakas ay inilarawan na nasa 5’5” ang taas, nakasuot ng bullcap, pantalon na maong at stripe na t-shirt. Sa ulat ng MPD-Station 11, dakong alas-11:30 ng umaga ay nasa loob ng MTPB satellite office sa Parola, Barangay 275, Parola Compound ang biktima nang biglang pumasok ang salarin na nakasuot ng face mask at nakasumbrero.Walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima at nang tumumba ay kaswal lang na naglakad patawid ng kalsada ang gunman.