4 pulis-Maynila dinakip sa kotong

Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina SPO3 Ranny Dionisio; PO3 Richard Bernal;PO1 Elequiel Fernandez; at PO1 Arjay Lasap pawang mga kasapi ng Intelligence Section ng Police Station 9 ng Manila Police District.
File

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga miyembro ng PNP-Counter Intelligence Task Force at National Bureau of Investigation sa isang entrapment operation ang apat na miyembro ng Manila Police District (MPD) na inireklamo ng pangongotong kamakalawa ng gabi sa Maynila.

Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina SPO3 Ranny Dionisio; PO3 Richard Bernal;PO1 Elequiel Fernandez; at PO1 Arjay Lasap pawang mga kasapi ng Intelligence Section ng Police Station 9 ng Manila Police District (MPD).

Batay sa ulat, bandang alas -6:15 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ang entrapment operation laban sa apat na parak sa loob ng 7/11 Convenience Store sa isang gasolinahan sa kahabaan ng Quirino Avenue kanto ng Mabini St., Ermita, Maynila.

Ang entrapment operation ay base sa reklamo ng isang Egyptian national na inaresto ng sampung pulis noong Abril 9 kaugnay ng paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Anti –Illegal Drugs Act .

Hinihingan umano ng nasabing mga parak ng  P200,000 ang nasabing dayuhan upang hindi na ito sampahan ng kaso.

Ang nasabing demand ay naibaba sa P50,000 kung saan naisyuhan ang mga suspek ng tseke na papalitan ng cash sa nasabing araw sa nasabing convenience store.

Nang aktong tinatanggap ang nasabing halaga ay dito na sumulpot ang mga otoridad at inaresto ang apat na pulis.

Nasa kustodiya ng NBI ang apat na pulis na nakatakdang kasuhan ng criminal at administratibo habang hinahanap pa ang ibang sangkot.

Show comments