MANILA, Philippines — Pagmumultahin ng P1 milyon ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga mall owners kung mapapatunayang nagsasabwatan sa may-ari ng colorum na sasakyan na mag-terminal sa kanilang establisyimento.
Ito ang sinabi ni DOTr Undersecretary for Roads Tim Orbos kaya’t ngayong araw ay pupulungin ang lahat ng mall owners sa Metro Manila para hingin ang kooperasyon at tulong ng mga ito laban sa mga kolorum na sasakyan. Ayon kay Orbos, nasa 195 malls sa Metro Manila na ang 16 ay makikita sa Edsa ang nagsisilbing “transport hubs” ng mga kolorum na sasakyan.
“Mabigat ang ating kalaban. Parang drugs na rin ho yan. Malalim ang ugat. Kaya ang panlaban dito ay magsama-sama at magsanib-pwersa,” ani Orbos.
Aniya kailangan ng “kamay na bakal” at strong political will para masugpo ang mga kolorum na sasakyan sa lansangan.