MANILA, Philippines — Ipinatupad na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang banta laban sa Kuwait na hindi na magpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa kanilang bansa bunsod ng mga napaulat na pagmamalupit na ikinasawi ng ilang Pinoy doon sa kamay ng kanilang amo.
Sa inisyung Administrative Order ni Labor Secretary Silvestre Bello III, iniutos nito ang pagpapatupad ng total ban sa deployment ng Pinoy workers sa bansang Kuwait.
Anumang araw mula ngayon ay tutungo na sa Kuwait ang binuong Task Force Dimapilis na magsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ni Joana Dimapilis, ang domestic helper na natagpuang patay sa loob ng freezer na noong isang taon pa hindi nakikita at nababalitaan ng mga kaanak at kaibigan.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Bello, makikipag-ugnayan ang Task Force sa Kuwaiti Police upang matukoy kung may ginawang imbestigasyon sa kaso.
Kakausapin din aniya ng Task Force ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) kung bakit isang taon pa ang nakalipas bago natuklasan ang pagkamatay ni Joana.
Tiniyak ng kalihim na may mananagot sa sandaling matukoy na may pagkukulang sa hanay ng mga opisyal ng Pilipinas sa Kuwait.
Titingnan din aniya ng team ang posibleng pananagutan ng Kuwaiti police sa naturang insidente.