MANILA, Philippines — Isang 51-anyos na dating miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang nasawi matapos atakehin sa puso nang magpumilit na makahipo sa andas ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila kahapon ng madaling araw. Ang nasawing deboto ay kinilalang si dating SJO4 Ramil Dela Cruz, na nasibak sa serbisyo noong Agosto 31,2017 dahil sa pagiging AWOL.
Batay sa ulat, bago naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw ay nagtungo ang biktima sa Traslacion kahit na nakainom ng alak dahil ito ang kanyang panata taun-taon.
Habang pinilit ang sarili na makalapit upang mahawakan ang lubid ng andas na nasa bahagi ng Hidalgo St., ang prusisyon ay nakaramdam ito nang paninikip ng dibdib dahil na rin sa sobrang siksikan at init ay nawalan ito ng malay. Pinagtulungan siyang dalhin sa medical station ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) bago dinala sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) kung saan idineklara itong dead-on-arrival.
Ayon kay MDRRMO head, Johnny Yu na hindi alam ng kanilang grupo na naninikip ang dibdib ng biktima dahil ang idinaing lamang ay pananakit ng tiyan at hyperacidity. Natukoy na lamang umano nila na may pre-existing heart condition ang biktima nang interbyuhin ito ng medical officers at inaming dalawang araw nang hindi nakakainom ng gamot kaya’t inirekomenda nilang isugod na ito sa pagamutan, subalit tumanggi ito.
Makalipas ang halos kalahating oras ay nakaramdam umanong muli nang paninikip ng dibdib ang biktima at doon lang ito nagpasyang magpadala sa pagamutan.
Habang ibinibiyahe ang biktima ay nagawa pa itong i-revive ng mga medical officers ngunit pagdating sa pagamutan ay dumanas itong muli ng cardiac arrest at tuluyan nang binawian ng buhay.