MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki at isang babae na sakay ng motorsiklo matapos sumalpok sila sa isang bus sa intersection ng Mindanao Avenue at Congressional Avenue sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Wala pang pagkakakilanlan sa rider na lalaki at angkas nitong babae na kapwa namatay noon din makaraang pumailalim ang kanilang motorsiklo sa City Bus na minamaneho ni Danilo Dela Cerna naganap dakong alas-3:50 ng madaling araw.
Ayon sa testigo na si Ronald Layumang, parehong galing Mindanao Avenue ang bus at motor na matulin ang pagtakbo.
Sumampa sa traffic island at bumangga sa isang puno ang bus upang iwasan ang motor ngunit pumailalim pa rin ang motor sa bus.
Kinailangan pang gumamit ng hydraulic jack ng MMDA at ng Quezon City Rescue Team upang makuha ang mga sakay ng motor sa ilalim ng bus.Dinala na sa Quezon City Traffic Sector 6 ang driver ng bus para imbestigahan.