MANILA, Philippines — Dalawampung katao ang nasawi kabilang ang isang 6 buwang sanggol na lalaki matapos magbanggaan ang isang pampasaherong bus at jeep sa kahabaan ng national highway ng Brgy. San Jose Sur, Agoo, La Union, kahapon ng madaling araw na Araw ng Kapaskuhan.
Batay sa ulat ni Police Regional Office (PRO)1 Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula, bago nangyari ang trahedya dakong alas-3:30 ng madaling araw sa nasabing lugar ay kasalukuyang bumabagtas sa bahagi ng nasabing highway ang Partas Bus (PN 137704) na minamaneho ni Rodel Sadac ng Cabugao, Ilocos Sur nang makabanggaan nito ang pampasaherong jeepney (WST-575) na minamaneho ni Rolando Perez Jr., 34, ng Bauang , La Union.
Idineklarang dead on arrival ang driver ng pampasaherong jeepney na si Perez at 18 nitong pasahero.
Kinilala ang mga ito nasawi na sina Florence Cabueñas; Pepito Antolin; Cecil Antolin; Mark Jerson Cabero; Vicky Cabagbag; Geraldine Cabradilla; Kennedy Cabagbag; Anna Karina Ramiscal; Claudia Cabradilla; Jeffrey Cabradilla; Nadine Cabueñas; Norin Cabueñas; Neil Ivan Cabueñas; Manolito Lomboy Jr.; Claudine Cabradilla; Adilla Antolin; Nelson Cabueñas; at Virgie Antolin.
Ang isa pang biktima na kinilala namang si Kyle Cabagbag ay binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Ilocos Training and Regional Medical Center.
Ang mga nasugatan na dinala sa Ilocos Training and Regional Medical Center ay ang siyam na pasahero ng jeepney habang ang driver, konduktor at 16 pang pasahero ng Partas bus ay kasalukuyan namang ginagamot sa La Union Medical Center sa bayan ng Agoo.
Sa imbestigasyon, nang-agaw umano ng linya ang jeepney na masyadong mabilis ang takbo bunsod upang mabangga ito ng paparating na bus.
Sa lakas nang pagkakabangga ay nayupi ang nasabing pampasaherong jeep na pumailalim sa bus na ikinasawi ng driver nito at 19 niyang pasahero.
Ang bus ay patungong Ilocos habang ang jeepney na karamihan ng sakay ay magkakaanak ay patungo sana sa Manaoag, Pangasinan para dumalo sa misa sa Pasko.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga otoridad at hindi inaalis ng pulisya ang teorya na nakatulog ang driver ng jeepney kaya napunta sa kabilang linya.