MANILA, Philippines — Napatay ng mga otoridad ang tatlong miyembro ng gun for hire gang nang makipagbarilan sa naganap na shootout kahapon ng madaling araw sa Brgy. Koronadal Proper, Polomolok, South Cotabato.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Modia Adam; Saddam Macabangen; at Allan Ewah pawang mga aktibong miyembro ng gun for hire gang na nag-ooperate sa Polomolok at mga karatig bayan ng lalawigan.
Batay sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong alas-3:00 ng madaling araw ay nagsagawa nang enforcement operations ang pulisya at Army’s 27th Infantry Battalion (IB) na kung saan ay nakorner ang mga suspek.
Sa halip na sumuko ay nanlaban ang mga suspek na agad pinaputukan ang mga pulis na nagresulta sa shootout sa pagitan ng magkabilang panig.
Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok at isa-isang bumulagta ang mga suspek na dinala sa ospita, subalit pawang idineklarang dead on arrival.
Nasamsam sa crime scene ang tatlong cal. 45 pistol, isang rifle grenade at tatlong shotgun.