MANILA, Philippines — Maglulunsad muli ng dalawang araw na transport strike ang mga driver at jeepney operator sa Disyembre 4 at 5 bilang pagtutol sa jeepney phase out na ipatutupad ng pamahalaan sa Enero ng susunod na taon.
Sinabi ni George San Mateo, national president ng PISTON, tuloy na tuloy ang kanilang gagawing kilos protesta para tutulan ang Jeepney Modernization Program na magbubunsod ng jeepney phase out.
Aniya, ang magiging apektado ng phase out ay ang mga mahihirap sa kabila na ang mga lokal at dayuhang kapitalista naman ang kikita nang malaki sa naturang programa.
Ang nasabing transport strike ay ikaapat na protesta nang inilunsad ng grupo kontra jeepney phase out.
Idinagdag pa ni San Mateo na hindi sila titigil sa pagsasagawa ng tigil pasada hangga’t hindi dinidinig ng pamahalaan ang kanilang hiling na isailalim na lamang sa rehabilitasyon ang mga jeep dahil maaari pa naman itong gamitin at ipasada.
Wala din aniyang nakaakmang pautang ang gobyerno sa mga maaapektuhan ng phase out na dapat bigyang pansin ng pamahalaan para makabili ng bagong jeep.
Magugunita na nagsuspinde ng pasok sa klase at trabaho ang Malacañang noong nagdaang buwan dahil sa transport strike.