MANILA, Philippines — Kilala na ng pamunuan ng Caloocan City Police ang pilantod na lalaki na sinasabing asset ng pulisya at ang batang kasama ng mga pulis na nanloob sa bahay ng isang ginang sa Brgy. 188 Tala noong Setyembre 7.
Sinabi ni Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Jemar Modequillo na alam na nila kung sino ang lalaki na naka-vest at armado ng baril at ang bata na nakita sa closed circuit television na tumangay sa gamit ng pamilya Erobas. Isa umano ito sa kanilang tinututukan upang makuha ang kustodiya sa isinasagawa nilang sariling imbestigasyon.
Isa umanong “welcome development” ang pagtanggal sa mga pulis na sangkot sa insidente maging sa mga miyembro ng Police Community Precinct 4 dahil sa nakaplano na rin umano ang isang malakihang balasahan sa kaniyang mga tauhan base sa rekomendasyon na rin ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan.
Kabilang sa mga nasibak sa puwesto ang team leader ng umano’y isinagawang Oplan Galugad na si P/Sr. Insp. Warren Peralta at hepe ng PCP4 na si P/Chief Insp.Timothy Aniway.
Nadamay rin naman sa pagpapasibak ni National Capital Regional Police Office Director Oscar Albayalde ang mga tauhan ng PCP 2 at PCP 7 na sangkot naman sa insidente ng pamamaslang kina Kian Lloyd Delos Santos at Carl Arnaiz.
Ayon kay Modequillo, base sa ulat na nakarating sa kaniya, unang nagsagawa ng lehitimong operasyon ang grupo ni Peralta at nakahuli ng isang drug suspect. Itinuro umano ng suspek ang bahay ng biktimang si Gina Erobas na pinagkukunan niya ng shabu.
Isa umano ang posibilidad na pagkakasangkot sa iligal na droga ng kahit sinong miyembro ng pamilya Erobas sa iniimbestigahan nila maging ang ulat na kagalit lamang ng nadakip na drug suspek ang mga Erobas kaya itinuro ang kanilang bahay.