MANILA, Philippines - Ipinaaaresto na ng Sandiganbayan Second Division si Senador Gregorio “Gringo” Honasan at iba pa kaugnay ng iregularidad sa P30M livelihood projects nito na ipinalabas sa ilalim ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel.
“The Court finds that there is sufficient probable cause to hold the accused in this case for trial and issue a warrant of arrest against them,” saad ng Sandiganbayan sa ipinalabas nitong warrant of arrest.
Ang resolusyon ay nilagdaan nina Division Chairperson Associate Justice Oscar Herrera Jr. at ang mga miyembro nitong sina Associate Justices Michael Frederick Musngi at Lorifel Pahimna.
Bukod kay Honasan, ipinapaaresto rin sina Michael Benjamin, Political Affairs/Project Coordinator Chief ni Honasan at mga dating opisyal ng National Council for Muslim Filipino na sina Mehol Sadain, Fedelina Aldanese, Galay Makalinggan, Aurora Aragon-Mabang, at Olga Galido at mga opisyal ng Focus Development Goals Foundation, Inc. na sina Giovanni Manuel Gaerlan at Salvador Gaerlan.
Si Honasan ang ikaapat na Senador na sinampahan ng kaso ng Office of the Ombudsman kaugnay ng pagtanggap umano ng kickback o komisyon mula sa non-government organization ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Nahaharap ang Senador sa dalawang counts ng paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Sandiganbayan dahilan sa pagpapalabas nito ng PDAF sa NCMF .
Base sa inihaing reklamo ng Ombudsman, noong Abril 2012 ipinalabas ng Department of Budget and Management ang P30 milyong halaga ng PDAF ni Honasan sa National Council for Muslim Filipinos (NCMF).
Ang pondo ay para tustusan ang small and medium enterprise/livelihood projects sa mga Muslim na nasa National Capital Region at Zambales kung saan iniindorso umano ni Honasan ang Focus bilang NGO partner ng NCMF.
Sa imbestigasyon ng Ombudsman, nagawa na ang tseke na para sa Focus bago pa man naipatupad ang proyekto na nagkakahalaga ng P29.1 milyon.
Ang mga akusado ay sinampahan ng kasong graft at maaari naman ang mga itong maglagak ng tig- P30,000 para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Matipid naman ang reaksyon ng senador sa naturang kaso na nagsabing inosente siya kasabay nang pagsasabing nakahanda siyang harapin ang kaso.