Tandem dedo sa ‘Oplan Sita’

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo nang makipagbarilan ang mga ito sa mga pulis matapos pumalag sa isinasagawang ‘Oplan Sita’ sa Las Piñas City, kahapon ng mada­ling araw.

Patuloy na inaalam ng mga pulis ang pagkaka­kilanlan ng dalawang napatay na suspek na nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong alas-3:30 ng mada­ling araw sa kahabaan ng C5 Road Extension, Brgy. Manuyo 2 ay nagsasagawa ang mga pulis ng ‘Oplan Sita’ sa mga motoristang dumaraan.

Namataan ng mga pulis ang parating na motorsiklo ng dalawang suspek na walang plaka at nang sisitahin ay bigla na lamang pinaharurot ang  motor.

Kaya’t hinabol ito ng mga pulis at nang maabutan ay nagbunot umano ang mga ito ng baril at pinaputukan ang mga una.

Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta ng pagkasawi ng mga suspek.

Show comments